“You were tagged in your friend’s photo”
“Bino retweeted one of your tweets”
“Showing 1 of 26,000 results”
“Loading…Please wait…”
Ang mga salitang ito ay madalas nating mabasa sa pamamagitan ng interconnected computer networks o “internet” sa maikling salita. Ang internet ay isa ngayong instrumento para sa komunikasyon at transaksyon ng mga tao o grupo ng tao sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ako’y napatanong sa aking sarili, ano kaya kung noong high school pako, ay meron na nito?
Ako ay produkto ng tambay sa damuhan noong ako ay nasa elementary at high school.
Noong aking panahon, pagkatapos ng klase, ang mga estudyante ay madalas naupo sa damuhan para magkuwentuhan. Madalas pa nga naming binubunot yung mga damo, na ang tawag nila ay “damology.” Sa damuhan ko natutunang maglaro ng moro moro, magpalitan ng songhits sa mga kaklase para sa mga bagong kanta, magpalitan ng mga kwento sa mga crush, kwentuhan sa mga masusungit naming opisyales ng CAT, kwentuhan sa gawaing bahay na hindi nagawa, o kaya’y hinuha sa aming kahihinatnan sa aming paglaki.
Ngayon, ang mga bata ay parte na rin ng isang pagbabago. Ang paggamit ng “internet.” Ito ang naguubos ng oras nila sa loob ng computer shop, o kaya’y sa kanilang mismong bahay, hanggat may mabilis na koneksyon sa internet.
Sa pamamagitan nito, ang mga kabataan ngayon ay nahuhumaling sa pakikipagkaibigan at sa iba’t ibang paraan ng sosyalismo sa iba. Sa isang pindutan lang ng mouse, nakakahanap na sila ng mga sagot sa tanong at mga napagkakalibangan. Kahit yata ang sagot sa kung san mkakabili ng murang galunggong, alam itong sagutin ng internet. Palitan ng mga larawan, hiritan ng mga banat, ang pagpost ng mga“tweets” at ang paglalaro ng mga larong makakapagbigay sayo ng pakiramdam na ikaw ay isang hero o bayani. Maraming pwedeng magawa pag kaharap mo na computer o laptop, kasama ang broadband mo.
Dati ang mga studyante, nagpupunta sa silid aklatan para maghanap ng sagot sa kanilang mga takdang aralin. Ngayon, nakaupo na lang sila sa tabi ng isang kahong daig pa ang maligno sa daming kamanghaan na kayang ibigay sa tao.
Masasabi ko din na sa ngayon, ang internet na ito ay nkakaapekto na sa pagbabago ng lingwahe at panitikan. Dito mo na makikita ang mga ‘jejemon,’ ‘slang,’ ‘loan words,’ carabao English,’ at pati na rin ang ‘bekimon.’ Pinaghalo halo na, ika nga. Masasabi ko rin na ito ay nakaka apekto sa asal at paguugali ng mga tao. Dahil mas marami na ang ‘platform’ ika nga para mailahad natin ang mga sarili. Ang ibang tao, halos ikuwento na ang mga pangyayari sa buhay nila, yung iba, ang turing ay “wala lang.” Paano kaya ang mga paraan ng kagawaran ng edukasyon para mabigyan ng control ang mga ito sa usaping pagaaral at edukasyon? Paano din kaya ang mga hakbang na ginagawa nila para patuloy na maihabi ang internet sa ating edukasyon? Ang ating lipunan ay kailan magiging handa? O di kaya’y mas tamang tanungin na paano gumagalaw at umiikot ang lipunan natin sa sistemang meron ang “internet”?
Kailan kaya uli darating ang panahon na ang mga bata ay nasa damuhan, at nagpapalipad ng saranggola? Kailan kaya mauulit na ang mga kabataan ay sama samang magkukuwentuhan sa gabi kasama ang mga kaibigan habang naririnig ang ingay ng mga kulisap? Kailan kaya mauulit na ang paglalaro ay isang bagay na ginagawa sa pamamagitan ng pagtakbo at paggamit ng katawan, at pagkatapos ay isang sandigan ng pagkakaibigan ang maihuhulma?
Kung wala kaya ang internet ngayon, mabuhay kaya ng simple ang mga tao, gaya nang dati, at muling uupo sa damuhan para sabihing “Kaibigan, kwentuhan tayo.”
* * * * *
Ito ang aking lahok para sa Bagsik ng Panitik patimpalak ng Damuhan.










